Nakatutok ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtiyak na accessible ang mga serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino, anuman ang estado nito sa buhay.
Ito ang iginiit ng Department of Health (DOH) na iniulat ang mga malalaking hakbang ng pamahalaan upang magkaroon ng mas adaptable na healthcare services sa bansa.
Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagpapanatili sa Malasakit Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa. As of September 2023, naitalang mayroon nang 159 Malasakit Centers sa bansa na nakapagbigay ng tulong sa mahigit 10 milyong Pilipino.
Noong December 3, 2019, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11463 o Malasakit Centers Act. Sa ilalim ng Malasakit Centers Act, itinatag Malasakit Centers sa DOH at sa ilang government hospitals sa bansa.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan maaaring makakuha ang mga nangangailang Pilipino ng financial medical assistance mula sa iba’t ibang ahensya, gaya ng PhilHealth, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay dating Health Secretary Francisco Duque III, complement ito sa Universal Health Care (UHC) Law o Republic Act No. 11223 na siya namang sinisikap ng administrasyong Marcos upang magkaroon ng full implementation.
Qualified sa Malasakit Center assistance ang financially incapable Filipinos na nagpakonsulta o na-admit sa partner hospitals. Upang makapag-avail ng serbisyo, kailangang pumunta ng in-patients sa Billing Department ng ospital at mag-request ng assessment ng billing, pati na rin ng medical abstract.
Kapag nakuha na ang mga dokumentong ito, maaari nang pumunta sa Malasakit Center kung saan kailangang mag-fill out ng Malasakit Unified Form. Pagkatapos nito, idi-direkta ka sa PhilHealth desk. Matatandaang kahit hindi nag-enroll sa PhilHealth, automatic na magiging member pa rin dahil sa Universal Health Care Law.
Kung hindi sapat ang PhilHealth coverage mo, ilalapit ka naman sa PCSO o DOH para makakuha ng additional funding mula sa Presidential Social Fund (PSF). Imbes na cash, bibigyan ka ng dokumento na siya namang isu-submit sa Billing Department.
Sabi nga ni Pangulong Marcos, “healthcare is a right, not a privilege.” Kung patuloy na bibigyan ng prayoridad ang healthcare sector sa bansa, inaasahang magkakaroon ng dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan ang bawat Pilipino.