Sawa ka na bang ma-late sa trabaho dahil sa ilang oras na pagkaka-stuck sa traffic? Kung oo, bakit hindi mo subukang mag-bike?
Matagal nang isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga benepisyo ng pagba-bike. Sa katunayan, sa kanyang termino bilang senador noong July 28, 2011, iminungkahi niya ang pagkakaroon ng batas na magbibigay ng incentives upang mahikayat ang mga Pilipino na gumamit ng bike at iba pang safe non-motorized transport vehicles bilang mode of daily commuting and travel. Sa pamamagitan ito ng Senate Bill 2924 o Bicycle Commuters Incentives Act of 2011 na hanggang ngayon ay pending pa rin sa Komite.
Hindi nito naipatigil ang adbokasiya ng Pangulo dahil kamakailan lang, idineklara niya ang last working day of November every year bilang National Bike-to-Work Day sa bisa ng Proclamation 409.
Target ng nasabing proklamasyon na magkaroon ng balance sa development at environmental protection, kasabay sa pagpapanatili ng kalidad ng hangin na proprotekta sa kalusugan natin.
Para mas mapalawak at mas maging epektibo ang pagdiriwang ng National Bike-to-Work Day, pangungunahan ito ng Inter-Agency Technical Working Group on Active Transport (IATWG-AT). Katulong ang relevant non-government organizations (NGOs) at civil society groups, sila ang gagawa ng programs, projects, at activities para sa yearly celebration nito.
Para sa taong ito, pinangunahan ng Department of Health (DOH) ang selebrasyon ng National Bike-to-Work Day noong November 29. Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, heart disease, stroke, at cancer ang top causes of death ng mga Pilipino kaya hinihikayat nila ang pagkakaroon ng active lifestyle.
Ayon sa Better Health Channel, kabilang sa health benefits ng cycling ang increased cardiovascular fitness, increased muscle strength and flexibility, improved posture and coordination, at reduced anxiety, depression and stress levels.
Goal ng Bike-to-Work Day ang i-inspire ang mga taong idagdag ang cycling bilang isa sa kanilang main modes of transportation. Kapag mas maraming tao ang mag-bike, mas uunti ang mga sasakyan sa kalsada. Kapag mas unti ang sasakyan, mababawasan ang traffic at air pollution. Sa paggamit ng bike, nakapag-exercise ka na, nakatulong ka pa sa kalikasan.