Pasado na sa Senado sa third and final reading ang Senate Bill 2432 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na matatandaang sinertipikahan bilang urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong September 21, 2023. Sa ilalim ng panukalang batas, papatawan ng mas mabigat na parusa ang mga nananabotahe ng ekonomiya, gaya ng smugglers at hoarders.
Sa bisa ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, maituturing na krimen ang agricultural smuggling kung ang value ng agricultural and fishery products na naipuslit ay aabot ng Php 3 million batay sa Daily Price Index.
Maituturing namang economic sabotage ang hoarding kung mayroong stocks ng agricultural and fishery products ang isang indibidwal o grupo na labis sa 30% ng kanilang normal inventory level, dalawang linggo matapos magdeklara ng emergency o state of calamity.
Tinukoy rin sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ang iba pang prohibited acts, tulad na lang ng pagpopondo para sa mga nananabotahe ng ekonomiya at paggamit ng traders at iba pang private businesses ng government facilities.
Depende sa ginawang krimen, aabot sa dalawang taon hanggang sa habambuhay na pagkakakulong at multa ang magiging parusa sa mga lalabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Samantala, nakatakdang lumikha ang panukalang batas ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council na pamumunuan ng Pangulo o ng kanyang designated permanent representative. Kabilang sa mga miyembro ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council ang Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Justice (DOJ), Department of Finance (DOF), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DOTr), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Philippine Competition Commission (PCC).
Magkakaroon din ng representatives sa sugar, rice and corn, livestock and poultry, vegetables and fruits, fisheries and other aquatic products, at tobacco sectors.
Inatasan naman ang kalihim ng DOJ na bumuo ng special team of prosecutors upang tulungan ang konseho sa isasampang kaso laban sa mga sangkot na indibidwal o grupo. Tutulong din sa konseho ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Enforcement Groups.
Umaabot ng Php 200 billion ang nawawalang kita ng gobyerno dahil sa economic sabotage, partikular na sa illegal smuggling, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG). Ang pananabotahe rin ng ekonomiya ang dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng mga bilihin at nagkakaroon ng shortage sa agricultural products. Kaya naman sa pagsasabatas ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, inaasahan ang pagkakaroon ng sapat at abot-kayang pagkain ang bawat Pilipino na siyang hangad ni Pangulong Marcos para sa bansa.