Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang batas ang Republic Act 11965 o mas kikilalanin bilang Caregiver Welfare Act.
Layon ng batas na itong protektahan ang mga karapatan ng caregivers sa bansa laban sa pang-aabuso, panggigipit, karahasan, at pananamantala.
Sa Caregiver Welfare Act, nakasaad na pagbabasehan sa employment contracts ang working hours ng caregivers. Dapat din silang mabigyan ng sahod na hindi bababa sa regional minimum wage. Kung lumagpas sa 8 hours ang pagtratrabaho sa isang araw, kailangan silang mabayaran ng overtime pay. Kung panggabi naman ang schedule nila, dapat silang mabayaran ng night differential pay.
Kung nakapag-render na ng one month of service ang caregivers, dapat silang mabigyan ng 13th month pay bago mag-December 24. Kung umabot naman ng isang taon, dapat silang magkaroon ng at least five days of leave credits with pay.
Bukod dito, may karapatan silang magkaroon ng social benefits gaya ng Social Security System (SSS), PhilHealth, at Pag-Ibig.
Sa bisa rin ng Caregiver Welfare Act, may kalayaan ang caregivers na tapusin ang kanilang kontrata bago pa man ang expiration nito kung nakararanas ng physical, verbal, or emotional abuse, pati na rin ng inhumane treatment.
Sakop ng batas ang domestic caregivers na nagtratrabaho sa private homes, nursing and care facilities, at iba pang residential settings, directly hired man ng kanilang employer o ng Public Employment Services Office (PESO) at Private Employment Agency (PEA).
Para sa mas epektibong implementasyon, inatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE), katulong ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sa paggawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng bagong batas.
Maglalabas din ng IRR ang Department of Migrant Workers (DMW) sa overseas recruitment at deployment ng Filipino caregivers para kahit nasa ibang bansa man sila, matitiyak pa rin ang kanilang proteksyon.
Para sa Federation of Free Workers (FFW), significant advancement sa labor rights and social justice ang paglagda ni Pangulong Marcos sa Caregiver Welfare Act. Ayon sa President nitong si Sonny Matula, hindi lang nagbibigay ang bagong batas ng kinakailangang legal protection sa caregivers, kundi pinapataas din ang kanilang dignidad at kinikilala ang kanilang mahalagang kontribusyon sa bansa.
Dahil sa sipag at dedikasyon ng caregivers, mas nagiging magaan ang buhay ng mga taong inaalagaan nila. Sa paglagda sa Caregiver Welfare Act, masasabing inaalagaan na rin sila dahil mapagagaan na ang buhay ng mga itinaguriang unsung heroes of the healthcare system.