Bagamat tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang supply ng kuryente hanggang sa second quarter ng 2024 sa kabila ng nakaambang El Niño phenomenon, nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino na magtipid.
Umaasa ang Pangulo na magsisilbing paalala ang selebrasyon ng National Energy Consciousness Month ngayong Disyembre upang maging responsable sa paggamit ng enerhiya.
Tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy na tutuklas ang pamahalaan ng mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya.
Isa sa mga pinagkukunan ng enerhiya sa bansa ang Malampaya gas field na nagsimula ng commercial operations noong January 2002. Nakakapag-produce ito ng malinis na natural gas na nagsusuplay ng limang power plants sa Luzon ngunit base sa estimate ng DOE, inaasahan itong maubos sa first quarter ng 2027. Kaya naman sinisikap ng administrasyong Marcos na maresolba na ang isyu sa West Philippine Sea upang masimulan na ang bagong energy exploration project bago maubos ang Malampaya gas field.
Sa isang panayam kasama ang Japanese media noong December 16, 2023, iginiit ng Pangulo na isasagawa ang bagong energy exploration project sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) at maritime territory ng Pilipinas, hindi sa conflict area.
Bukod sa energy exploration project, isinusulong din ni Pangulong Marcos ang pagpapalawak sa paggamit ng renewable energy. Sa katunayan, inimbitahan niya ang Asia Zero Emission Community (AZEC) partners na mag-invest sa renewable energy industry sa ginanap na AZEC Leaders’ Meeting sa Tokyo, Japan nitong December 18, 2023.
Ayon sa National Renewable Energy Program ng pamahalaan, inaasahang 35% ng power mix ay magiging renewable energy sa 2030. Dapat naman itong maging 50% sa 2040.
Naniniwala si Pangulong Marcos na mabisang paraan upang masolusyunan ang mga problema sa mataas na singil ng kuryente, climate change, at global warming ang pagpapalawak sa renewable energy sector.
Simula nang maupo si Pangulong Marcos, naitalang higit sa kalahating milyong tahanan ang nagkaroon ng access sa kuryente. Aniya, “We will spare no effort to achieve full household-electrification by the end of my term. 100% is within our reach.” Sa kabila nito, dapat pa rin nating gawin ang parte natin sa pagtitipid ng kuryente, para na rin makatulong sa kalikasan.