Hanggang sa ngayon ay wala pa ring maibigay na tiyak na dahilan ang mga eksperto hinggil sa kung ano nga ba ang nagiging sanhi ng Autism o Autism Spectrum Disorder; isang neurological disorder na nakaaapekto sa pakikipag-usap, pakikisama at pagkatuto ng isang tao.
Ayon sa mga pag-aaral, maaaring mula ito sa genetics, environment, o maaaring mula sa kinakain at iba-iba pang sanhi.
Sinabi ni Doctor Francis Dimalanta ng St. Luke’s medical Center na tinatayang nasa 1.5 milyong kaso na ng autismo ang naitatala sa bansa.
Dagdag pa ng doktor na mahalagang matukoy kaagad kung may autism ang isang bata na dapat maisagawa bago sumapit ang edad na dalawa.
Aniya, maaaring maobserbahan ang autism sa mga sumusunod na sintomas: Speech delay, hirap na makisalamuha sa mga tao, paulit-ulit na paggalaw kagaya ng hand flapping, spinning at swirling.
Muli namang nagpaalala ang doktor na normal ang maging in-denial ang isang magulang hinggil sa kalagayan ng kanilang anak pero kailangang tanggapin ito kaagad upang matugunan ang karamdaman ng anak.—sa panulat ni Jasper Barleta