Ipinakita ng House of Representatives ang kanilang buong suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kampanya nitong Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng paghahain sa House Resolution (HR) 1557 nitong January 29, 2024.
Sa HR 1557 na pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez, nakalahad na nagkakaisa ang Kamara sa hangarin ni Pangulong Marcos na maisulong ang Bagong Pilipinas at ang pagkakaroon ng mas magandang buhay para sa mga Pilipino.
Ayon sa HR 1557, strong testament ang Bagong Pilipinas sa commitment ni Pangulong Marcos na magsagawa ng reporma upang maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan. Hangarin din nitong maging accessible para sa bawat Pilipino ang mga serbisyo at financial assistance programs ng pamahalaan.
Sa naturang resolusyon, nakasaad na nakasentro ang Bagong Pilipinas sa pagkakaroon ng “principled, accountable, and dependable government” na pinalakas ng mga nagkakaisang institusyon sa lipunan.
Ayon pa sa Kamara, nananawagan ang naturang programa sa pagkakaisa ng mga Pilipino, sa kabila ng mga pagkakaiba, upang magkaroon ng mas masagana at mas maunlad na hinaharap.
Samantala, tiniyak ni Pangulong Marcos na walang itinatagong agenda ang Bagong Pilipinas.
Matatandaang sa ginanap na Bagong Pilipinas kick-off rally sa Quirino Grandstand sa Manila noong January 28, 2024, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na hindi isang political game plan ang Bagong Pilipinas kung saan mabibigyan ng privilege ang iilan lang. Sa halip, isa itong master plan para sa genuine development ng bansa na mapakikinabangan ng lahat.
Ayon nga sa Pangulo, “Bagong Pilipinas serves no narrow political interest. It serves the people.”
Kaya panawagan ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., sponsor ng HR 1557, makiisa sa likod ni Pangulong Marcos at suportahan ang naturang resolusyon. Aniya, mahalaga ang bawat personal commitment ng Bagong Pilipino upang magkaroon ng isang malakas at progresibong bansa.