Target ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makapagpatayo ng karagdagang 179 medical specialty centers bago matapos ang kanyang termino sa 2028.
Sa ginanap na launching ng pinakaunang lung transplant program ng Lung Center of the Philippines (LCP) at National Kidney and Transplant Institute (NKTI) noong January 23, 2024, iniulat ni Pangulong Marcos na nakapagtayo na ang administrasyon ng kabuuang 131 specialty centers sa buong bansa sa ilalim ng Regional Specialty Centers Act.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos bilang batas ang Republic Act No. 11959 o Regional Specialty Centers Act noong August 24, 2023. Bahagi ang pagpapatupad ng batas na ito sa pagsisikap ng administrasyon na i-institutionalize o paramihin ang healthcare centers sa bansa, partikular na sa rural areas. Layon nitong makapagbigay ng accessible at abot-kayang serbisyong medikal para sa bawat Pilipino.
Sa ilalim ng Regional Specialty Centers Act, inatasan ang Department of Health (DOH) na magtatag ng specialty centers sa bawat rehiyon kung saan mabibigyan ng prayoridad ang cancer care, cardiovascular care, lung care, renal care and kidney transplant, brain and spine care, trauma care, at burn care.
Mag-aalok din ang specialty centers ng serbisyo para sa mental health, neonatal care, infectious disease and tropical medicine, orthopedic care, physical rehabilitation medicine, at iba pa.
Binibigyang-diin ng batas na dapat sumunod sa guidelines ng DOH ang pagpapatayo ng specialty centers, batay sa pag-uupgrade, service capability, health needs at demands, at geographic o physical access ng ospital.
Dahil sa pagsasabatas ng Regional Specialty Centers Act, hindi na kailangang bumiyahe pa papuntang Manila ang mga kababayan nating may mga malalang sakit. Sa patuloy na pagpapatayo ng specialty centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa, inaasahang mas lalakas ang healthcare system sa Pilipinas at mas magiging accessible ang serbisyong medikal para sa bawat Pilipino.