Ipinagdiriwang ngayon sa bansa ang National Shelter Month. Nitong October 2, 2023 pinangunahan ng Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD ang selebrasyon nito na may temang Pambansang Pabahay: Matibay na saligan ng mapayapang pamayanan.
Dito, itinampok ng DHSUD ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Pormal na inilunsad ang Pambansang Pabahay program ni Pangulong Marcos Jr. sa Barangay Batasan Hills, Quezon City noong September 22, 2022. Layon nitong magbigay ng disente at abot-kayang tahanan sa bawat pamilyang Pilipino na labis hinangaan ng netizens na full support sa programang ito.
Inisyu naman ni Pangulong Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 34 na nagdeklara sa Pambansang Pabahay bilang flagship program ng pamahalaan noong July 17, 2023.
Inatasan ng nasabing executive order ang DHSUD na pangunahan ang implementation ng housing and human settlements ng programa. Hinikayat ni Pangulong Marcos Jr. ang lahat ng national government agencies, local government units, at iba pang kinatawan ng gobyerno na suportahan at makipag-coordinate sa DHSUD para maging successful ang programang ito.
Nangako si Pangulong Marcos Jr. na palalawigin niya ang Pabahay Program. Ayon sa kanya, mahigit isang milyong bahay ang maibibigay ng programang ito sa mga kababayan natin sa buong bansa. Nais ng administrasyon niyang bigyang solusyon ang 6.5 million housing needs ng bansa sa pamamagitan ng pamimigay ng 1 million units kada taon hanggang 2028.
Naitala noong April 2023 na bumubuo ang administrasyon ng 1.2 million housing units at kasalukuyang may 20 projects sa ilalim ng Pambansang Pabahay program. Nagkaroon na rin ng kasunduan para simulan ang mga proyekto sa mahigit 100 locations sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bukod sa pagbibigay ng tahanan para sa mga mahihirap na pamilya, ine-expect din na makakalikha ang Pabahay Program ng 1.7 milyong trabaho kada taon mula 2023 hanggang 2028.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, focused at hands-on si Pangulong Marcos Jr. sa monitoring ng progress ng Pabahay Program. Dagdag pa niya, napapatunayan ng programang ito na pro-poor at nasa mahihirap na Pilipino ang puso ng Pangulo.