Bilang hakbang sa hangarin ng administrasyon na maging digitally-connected ang Pilipinas, inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Domestic Submarine Cable Network (PDSCN), ang pinakamahabang submarine cable network sa ilalim ng dagat.
Sa lighting up ceremony ng PDSCN sa Makati noong February 15, muling binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang commitment ng pamahalaan na makapagbigay ng reliable at murang internet services para sa mga Pilipino.
Itinuturing ang PDSCN bilang “longest and highest capacity domestic submarine fiber cable network” sa bansa. Kinokonekta ng naturang fiber cable na may habang 2,500 kilometers ang mga isla ng Pilipinas mula Luzon hanggang Mindanao.
Layong tuldukan ng submarine cable network ang digital divide o hindi pantay na access sa mga modernong teknolohiya, partikular na sa internet.
Matatandaang sa Pulse Internet Resilience Index (IRI) ng Internet Society noong 2023, lumabas na ikapito ang Pilipinas sa labing-isang bansa mula sa Southeast Asia pagdating sa internet stability sa score na 46%.
Sa naturang IRI report, top 1 ang Singapore (72%), samantalang pinakamababa ang Timor-Leste (38%).
Ayon kay Pangulong Marcos, mapapabuti ng PDSCN ang ranking ng bansa pagdating sa broadband at mobile internet speed at coverage. Mapabibilis na rin aniya ng proyektong ito ang epektibong pagpapatupad sa digitalization ng government services at public data na tutugon sa mga pangangailangan ng tao.
Katulong ang private sector partners, tiniyak ng Pangulo na patuloy na magsasagawa ang pamahalaan ng mga hakbang upang mabigyan ng magandang internet connection ang mga Pilipino. Aniya, dahil sa PDSCN, mayroon nang long-term solution ang bansa na kokonekta sa mga Pilipino, alinsunod sa hangarin niya para sa Bagong Pilipinas.