Hindi magrerekomenda ng ceasefire o tigil-putukan ang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ngayong kapaskuhan.
Ito mismo ay ayon kay Interior Secretary Eduardo Año na kabilang sa umano’y “kill list” ng mga rebeldeng komunista.
Sa kabila nito, bukas aniya ang gobyerno sa mga komunista na nais sumuko sa batas at magsimula ng kanilang panibagong buhay.
Pagkakalooban aniya nila ng lahat ng benepisyo at oportunidad ang sinumang magbabalik-loob sa pamahalaan upang maging isang produktibo at payapang mamamayan.
Samantala, naglabas si Año ng kanyang pahayag hinggil dito –isang araw matapos namang ipahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang hindi rin nito pagrekomenda ng tigil-putukan sa CPP.
Magugunitang sinabi rin ni Lorenzana na maaaring magkasundo ang gobyerno at mga rebeldeng komunista para sa ceasefire kung titigil ang mga rebelde sa paggawa ng mga ilegal na aktibidad –bagay na tradisyonal na idinedeklara ng dalawang panig tuwing kapaskuhan.
Samantala, nakatakdang ipagdiwang ng CPP ang kanilang founding anniversary sa darating na ika-26 ng Disyembre.