Hinimok ni Interior Secretary Eduardo Año ang mag-asawang sina Benito at Wilma Tiamzon na kusang-loob na sumuko sa mga awtoridad.
Ang panawagan ay ginawa ni Año ilang araw makaraang magbaba ng hatol ang Quezon City regional trial court kung saan pinatawan nito ng hanggang 40 taong pagkakabilango ang mag-asawa dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ayon kay Año, batay sa kanilang monitoring ay hindi pa nakakalabas ng bansa ang mga Tiamzon kaya’t mas maigi aniyang sumurender na lamang ang mga ito.
Magugunitang matapos magtago ng maraming taon ay nadakip sina Tiamzon sa Cebu City noong March 2014.
Noong Aug. 15, 2016 ay pinagpiyansa ang mag-asawa para lumahok sa usapang pang-kapayapaan sa pagitan ng mga komunista at gobyerno hanggang sa ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pag-aresto sa kanila.
Nag-ugat ang mga kaso laban sa mga Tiamzon sa natuklasang mass grave sa Leyte na sinasabing pinaglibingan ng mga biktima ng pamamaslang ng mga rebelde.