Idinepensa ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang naging aksyon ng isang pulis na nagkaroon ng mainit na pakikipagtalo sa isang dayuhang naninirahan sa isang executive subdivision sa Makati City.
Ayon kay Año, maayos na nahawakan Ni Police Senior Master Sergeant Roland Von Madrona ang sitwasyon, alinsunod pa rin sa umiiral na protocol ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Año, maipagtatanggol niya ang naging hakbang ni Madrona lalo na’t dati rin naman siyang naging chairman ng National Police Commission (NAPOLCOM) kung saan mahigit 2,000 abusadong pulis ang kanyang pinatanggal sa puwesto.
Iginiit ni Año, walang nalabag na protocol si Madrona sa tangka nitong pag-aresto sa Spanish na si Javier Parra dahil nasa labas na ito ng kanyang tahanan.
Magugunitang nag-ugat ang insidente matapos na sitahin ni Madrona at kasama nitong Bantay Bayan na si Esteban Gaan ang kasambahay ni Parra na nagdidilig ng mga halaman sa tapat ng kanilang bahay nang walang suot na mask.