Makikipagpulong si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa mga opisyal ng Facebook sa susunod na linggo.
Ito ay para pag-usapan ang isyu nang pagbura ng Facebook sa mga pages at accounts na umano’y may kaugnayan sa security forces ng bansa.
Sinabi ni Año na nais niyang matalakay sa Facebook kung paano nito ginagamit ang content-based restrictions at tiwala siyang makakabuo sila ng mga panuntunan kung paano makakatulong ang social media sa gobyerno para labanan ang pagkalatng mga pekeng balita at impormasyon.
Binigyang diin ni Año na mabibigyan ng kapangyarihan ang taumbayan sa pamamagitan ng mga tamang impormasyon para makiisa sa nation building tulad ng mga efforts ng gobyerno para kontrolin ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinamantala na aniya ng mga kriminal at extremist groups ang pandemya para isabotahe ang pagbibigay ng serbisyo ng gobyerno.
Ayon pa kay Año, hindi naging transparent ang Facebook sa imbestigasyon nito sa mga account at pages na inalis ng social media platform kabilang ang sa militar.