Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), naipakitang 9 out of 10 Filipinos ang personal na nakaranas ng epekto ng climate change sa nakalipas na tatlong taon.
Ayon naman kay Climate Change Commission (CCC) commissioner Albert dela Cruz Sr., nasa 9.7 milyong kabataan ang apektado ng mga insidenteng may kinalaman sa climate change mula 2016 hanggang 2021.
Kaya naman sa pagsisimula ng 16th Annual Global Warming and Climate Change Consciousness Week noong November 22, 2023, hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng Pilipino na makiisa at makipagtulungan sa paglikha ng solusyon upang pagaanin ang epekto ng climate change sa bansa.
Sabi ni Pangulong Marcos, “Those who are least responsible suffer the most.”
Ito ang naging pahayag ng Pangulo sa kanyang speech sa United Nations General Assembly noong September 21, 2022 ukol sa climate change.
Aniya, mas maraming inaabsorb kaysa pino-produce na carbon dioxide ang Pilipinas pero sa kabila nito, 4th most vulnerable country ang bansa sa mga epekto ng climate change. Para sa kanya, injustice ito na kailangang itama. Siniguro pa rin niyang itutuloy ng bansa na gawin ang sariling responsibilidad dito.
Sa katunayan, matatandaang isinusulong ni Pangulong Marcos ang pagpapalawak sa paggamit ng renewable energy na makakatulong hindi lang sa pagpapababa ng presyo ng kuryente, pati na rin sa kalikasan.
Para masolusyunan ang isyu sa climate change, nanawagan si Pangulong Marcos sa mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na hikayatin ang developing countries na paigtingin ang kani-kanilang climate action commitments. Itutuloy din ng Pilipinas na i-prioritize ang international cooperation upang maging climate-smart at disaster-ready ang ASEAN.
Upang mapigilan naman ang paglala at mapangasiwaan nang maayos ang mga epekto ng climate change, kailangan ng bansa magkaroon ng matatag na climate resilience. Para kay Pangulong Marcos, mapalalakas ng Artificial Intelligence (AI)-Powered Weather Forecasting System ang climate resilience ng bansa.
Na-secure ng Pangulo ang nasabing teknolohiya sa sidelines ng 2023 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit dahil sa kasunduan ng Department of Science and Technology (DOST) at ng leading AI meteorology company sa Amerika na Atmo, Inc. Sa paggamit ng AI-powered weather forecasting system, mapahuhusay ang kakayahan ng pamahalaan na tumugon sa weather-related events na siyang makasisiguro sa kaligtasan ng mga Pilipino.
Para kay House Speaker Martin Romualdez, naipakita ng inisyatibang ito ang determinasyon ni Pangulong Marcos na tugunan ang mga hamon sa climate change sa pamamagitan ng makabagong solusyon.