Napatunayan ng mga alagad ng batas na hindi totoo ang kinatatakutan ng iilan na magkakaroon umano ng malawakang “looting” sa bansa sa panahon ng umiiral na community quarantine.
Ito ang inihayag ng Joint Task Force COVID-19 Shield matapos ipagmalaki nito ang nasa 47% pagbaba sa antas ng krimen sa nakalipas na anim na buwan.
Ayon kay Task Force COVID-19 Shield Commander P/Ltg. Guillermo Eleazar, batay sa datos ng tinatawag nilang eight focus crimes mula Marso 17 hanggang Setyembre 16, nakapagtala sila ng 16,879 na insidente.
Mas mababa ito kumpara sa naitala nilang 31,661 na kanilang naitala naman mula Setyembre 15, 2019 hanggang Marso 16 ng kasalukuyang taon o isang araw bago ideklara ang community quarantine sa buong bansa.
Kabilang sa eight focus crimes ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping ng anomang uri ng sasakyan gayundin ng motorsiklo.