Inanunsyo ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA na mas mababa na sa normal level ang antas ng tubig sa La Mesa dam.
Sinabi ni PAGASA hydrologist Richard Orendain, umaabot na lamang sa 72.19 meters ang water level sa dam kahapon ng alas-sais ng umaga.
Labis aniya ang pagbaba ng libel ng tubig sa La Mesa dam at ilang buwan pa ang kailangang hintayin bago ang panahon ng tag-ulan sa mga buwan ng Mayo o Hunyo.
Paliwanag ni Orendain, dapat sa ganitong mga panahon ay nasa 78 hanggang 79 meters pa ang water level nito.
Panawagan ng PAGASA hydrologist, magtipid ng tubig upang tumagal pa ang reserba sa dam.
Babala ni Orendain, maaring bumaba pa sa 65 hanggang 66 meters ang water level ng La Mesa dam sa huling linggo ng Abril kung hindi magkakaroon ng water conservation.
Mas mababa aniya ang projection na ito kumpara noong June 6, 2018 na umabot sa 70.16 meters.