Ganap nang batas ang Safe Spaces Act o mas kilala bilang Anti Bastos Law.
Abril 17 pa ng lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11313 pero kahapon lamang ipinalabas ng Malakanyang.
Layon ng Anti Bastos Law ang maprotektahan ang mga kababaihan at mga miyembro ng LGBTQ o Lesbian, Gay Bisexual, Transgender at Queer community mula sa catcalling, pambabastos at harassment sa mga kalsada, pampublikong lugar, online, lugar ng trabaho at educational institution.
Gayundin mula sa panghihipo, unwanted invitations at mga homophobic, transphobic o mysogynistic remarks o mga negatibo at sekswal na puna.
Isinasaad din sa batas ang pagbabawal sa wolf whistling o paninipol, pagmumura, leering o pagtitig nang may pagnanasa, paghablot at pangungulit sa pagkuha ng pangalan o contact details ng isang tao.
Maaari namang patawan ng 1,000 hanggang 100,000 pisong multa ang mga lalabag sa batas habang nasa 100,000 hanggang 500,000 pisong multa naman sa online harassment.