Tuwing panahon ng exams, may ilang paraan ang mga guro upang maiwasan ang pandaraya. Mayroong mga pinaglalayo ang upuan ng mga mag-aaral; mayroon ding kinukumpiska ang kanilang gadgets bago magsimula ang pagsusulit.
Dito sa atin sa Pilipinas, nauso naman ang pagsusuot ng anti-cheating hats. Agad na nag-viral worldwide ang videos at photos tungkol dito dahil sa pagiging unique at creative ng mga estudyanteng Pinoy.
Ginawang requirement ng ilang mga guro ang pagsusuot ng anti-cheating hats upang hindi makasilip ang mga estudyante sa papel ng kanilang mga kaklase habang nage-exam.
Maaari namang gumawa lang ng simpleng sombrero ang mga estudyante, ngunit hindi nila pinalagpas ang pagkakataong ito upang ipakita ang kanilang pagiging malikhain.
Mayroong mga mag-aaral na gumawa ng headgear na katulad ng sa ilang anime characters mula sa Pokémon, Naruto, Boku no Hero Academia, Chainsaw Man, at iba pa. Ang ilan, nagsuot pa ng wedding veil at helmet ng motor. May isang estudyante pa ngang pinantakip sa kanyang mukha ang sarili nitong underwear!
Ngunit ayon sa obserbasyon ng ilang netizens, posibleng magamit mismo ang anti-cheating hats upang makapandaya. Anila, maaari itong lagyan ng kodigo sa loob. Pagkontra naman ng iba, maaari namang i-check muna ang mga sombrero bago magsimula ang exam, kaya wala dapat ipag-alala.
Magandang paraan man ang anti-cheating hats upang mapanatili ang katapatan at integridad, nakatutulong din ang nakatutuwang paggawa nito upang mabawasan ang stress ng mga mag-aaral mula sa kanilang nararamdamang pressure tuwing exam.