Bumuo ng isang anti – corruption unit ang Bureau of Customs (BOC) para tuluyan nang wakasan ang katiwalian sa loob ng ahensya.
Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, mandato ng binuong Interim Internal Affairs and Integrity Unit (IIAIU) na tuklasin ang mga nangyayaring katiwalian sa BOC at sampahan ng kaso ang mga taong nasa likod nito.
Bubuuin ng isang abogado, dalawang (2) special investigators at tatlong (3) administrative staff ang nasabing anti-corruption unit na pangungunahan ni Lapeña.
Kasama sa unang hakbang nito ang pagsasagawa ng lifestyle check sa mga kawani at opisyal ng boc.
Kaugnay nito, makikipag-ugnayan ang nasabing grupo sa Office of the Ombudsman, National Anti-Corruption Commission ng Office of the President at Revenue Integrity Protection Service ng Department of Finance (DOF) para malakas ang mga kasong isasampa nila.