Tiniyak ni bagong Philippine National Police (PNP) Chief Camilo Cascolan na kanyang ipagpapatuloy ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) efforts ng Pambansang Pulisya sa gitna ng lumolobong bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Cascolan na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng protocols kontra COVID-19 lalo na sa National Capital Region (NCR).
Bukod pa rito, ayon kay Cascolan, nais din aniyang magkaroon ng development sa PNP, gayundin sa mga tauhan nito para masiguro na tapat ang mga ito sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Development po ng pnp, kailangan po natin ng programa para sa pagdisiplina ng ating mga tauhan. Kailangan po natin ang rapport, at community relationship natin. Serbisyo publiko po ang gagawin natin,” ani Cascolan.
Pagdidiin pa ni Cascolan, ito’y para mabatid ng publiko at kapulisan na mayroong namumuno sa pambansang pulisya na nagsisiguro ng kaayusan nito.
Mag-lead at mag-mentor for everybody to know that we have leaders that will be able to lead his people in the ground most specially,” ani Cascolan.
Mababatid na sa Nobyembre sa taong ito ay maabot ni Cascolan ang mandatory retirement sa edad na 56 na taong gulang, pero pagtitiyak niya na kanyang ibibigay ang angkop na serbisyo bilang pinuno ng PNP.
Since day 1 ng aking pagiging opisyal ay nagtrabaho na tayo. Kaya nga ho sabi ko, continuing lang po ang ating serbisyo sa bayan. Sa maiklling panahon, maibibigay po natin ang ating serbisyo sa bayan,” ani Cascolan. —sa panayam ng Ratsada Balita
Pagpapataas ng morale ng PNP personnel tututukan
Tututukan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapataas ng morale ng kanilang hanay sa ilalim ng pamumuno ng bagong liderato nito.
Sinabi ni bagong PNP Chief Camilo Cascolan, kasunod ng pagtaas ng pasahod sa mga tauahan nito, ang kailangan na lamang aniyang siguruhin ay ang pagtataas ng morale ng mga ito, para lalo pang gumanda ang kani-kanilang ‘performance’ sa pagganap ng kanilang tungkulin.
“Ang ating titignan ay kung papaano natin ma-iimprove ang kanilang morale para tumaas-taas at gumanda ang kanilang performance,” ani Cascolan.
Dagdag pa nito, ito’y para masigurong hindi na makaiisip pang gumawa ng kalokohan ang mga kapulisan.
Samantala, binigyang diin din ni PNP Chief Cascolan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matibay na ugnayan ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Magugunitang nasawi ang apat na mga sundalo sa isang engkwentro ng pulis at militar sa Jolo sa Sulu.
Giit ni Cascolan na gagawin ng PNP ang lahat para maging maayos ang pakikipag-ugnayan nito sa hanay ng AFP para sa patuloy na pagtiyak ng seguridad sa bansa.
“Magkakaroon po ng mas magandang relasyon ang PNP at AFP,” ani Cascolan.
Giit pa ni Cascolan na maganda ang relasyon nila ni AFP Chief Gilbert Gapay, at umaasa pa itong lalong lalakas ang kanilang ugnayan para masiguro ang seguridad sa bansa. —sa panayam ng Ratsada Balita