Ipiprisinta na sa plenaryo sa susunod na linggo ang panukalang batas na layong ipagbawal at patawan ng parusa ang diskriminasyon sa mga bakla, tomboy, transgender o intersex o iyong ayaw magkaroon ng kasarian.
Ito’y matapos aprubahan sa senate committee on women, children and family relations ang Senate Bill 1934.
Layon ng panukalang batas na pagmultahain ng P500,000 hanggang P1-M at ipaggawa ang community service sa mga mapapatunayang nang-discriminate, nanlait, bumastos o nagsalita ng hindi maganda dahil sa sexual orientation ng isang indibidwal.
Nakasaad din dito na ipinagbabawal ang pagtanggi ng employer o paaralan na tanggapin ang aplikante dahil sa sexual orientation nito.
Magugunitang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na walang tyansa na lumusot sa Senado ang tinaguriang SOGIE Bill sa halip ang pwede raw aprubahan ng Senado ay anti-discrimination bill na hindi lang naka pokus sa mga miyembro ng LGBTQ community.