Tuluyan nang sinuspinde ng Department of Transportation ang implementasyon ng ADDA o Anti-Distracted Driving Act.
Ito’y matapos kwestyunin ng House Committee on Transportation ang pagpapatupad sa ADDA nang hindi dumadaan sa anim na buwang information campaign alinsunod sa itinatadhana ng Republic Act Number 10913.
Pansamantala, tututukan muna ng DOTR ang pagpapakalat ng impormasyon sa ADDA.
Sa ilalim ng Section 7 ng anti-Distracted Driving Act, ang DOTR at ang Land Transportation Office, katulong ang Philippine Information Agency, Department of Education, Department of Interior and Local Government, Philippine National Police, mga private agencies at organizations ay dapat na magsagawa ng nationwide information, education at communication campaign sa loob ng anim na buwan mula nang maging epektibo ang batas.
Una rito, nanawagan ang mga Senador sa DOTR na pansamantalang ipahinto ang ADDA dahil sa nakalilitong implementing rules and regulation na ginawa para dito.
By: Meann Tanbio