Binabalangkas na ng pamahalaan ang isang Anti-Graft Unit na mag-iimbestiga sa mga kasong isinampa laban sa mga opisyal ng gobyerno na nasa sangay ng ehekutibo.
Ito’y matapos ireklamo sa Presidential Action Center laban kay Tourism Promotions Board Chief Operating Officer Cesar Montano dahil sa umano’y anomalya at iregularidad.
Ayon kay Cabinet Secretary Leoncio Evasco, saklaw ng nasabing Anti-Graft Unit ang lahat ng mga inirereklamong opisyal at hindi lamang ito tututok kay Montano.
Una nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nananatili pa rin ang kanyang tiwala kay Montano sa kabila ng reklamong kinakaharap nito.
Former admin
Samantala, hawak na ng Department of Justice (DOJ) ang mga dokumentong nag-uugnay sa mga opisyal ng nakalipas na administrasyong Aquino sa katiwalian.
Ito’y makaraang isumite ni Civil Society Leader Pastor Boy Saycon ang mga classified documents kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa isang forum sa Makati City kahapon.
Kabilang sa mga kinasasangkutang anomalya ng mga dating opisyal ang pakikinabang ng mga ito sa iligal na sugal at misdeclared na SOCE o Statements of Campaign Contributions and Expenditures.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, pag-aaralan niya ang nasabing mga dokumento lalo’t sinasabing sangkot sa mga naturang anomalya mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na opisyal ng nakalipas na adminsitrasyon.
By Jaymark Dagala
Photo Credit: Presidential Communications Operations Office