Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang nagpaparusa sa mga ospital at mga doktor na hindi tumutugon sa mga pasyente dahil sa kawalan ng pang-deposito.
Layon ng House Bill Number 5159 o ang Anti – Hospital Deposit Bill na tuldukan ang malaking takot sa deposito at gastusin sa pagpapa-ospital ng publiko lalo na ang mga mahihirap.
Sa ilalim ng naturang panukala, hindi maaaring tanggihan ng mga ospital ang mga pasyenteng manganganak at mga agaw buhay.
Ang mga lalabag ay papatawan ng parusang isa hanggang anim (6) na taong pagkakakulong at multang aabot sa isang (1) milyong piso.
Maliban dito, posible ding masuspinde o makansela ang lisensya ng mga lalabag na ospital.
Samantala, tutol naman ang Philippine Hospital Association of the Philippines Incorporated sa anti-hospital deposit bill.
Babala ng P-HAPI, kalahati ng siyamnaraang (900) pribadong ospital sa bansa ang tiyak na magsasara sa oras na maisabatas ang naturang panukala.
Giit ng grupo, wala silang ibang mapagkukunan ng kanilang operating expenses.
Sa oras na maipasa ang anti-hospital deposit bill, aapela ang P-HAPI kay Pangulong Duterte na ibasura ang naturang panukala.
Sa ilalim ng anti-hospital bill, hindi na maaaring tanggihan ng mga ospital ang mga pasyenteng wlang pan-deposito partikular ang mga manganganak at agaw buhay.
By Ralph Obina