Ipinababasura ng isang grupo ng mga pribadong ospital at klinika ang Anti-Hospital Deposit Law.
Ayon sa petisyong inihain sa Korte Suprema ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. hindi makatarungan ang nasabing batas dahil katumbas na nito ang “involuntary servitude” o sapiliting pagseserbisyo.
Sa ilalim ng Anti-Hospital Deposit Law o Republic Act 10932 pagmumultahin ang sinumang tatanggi na gumamot ng mga pasyenteng walang pang-deposito lalo na kung ito ay kailangan agad ng atensyong medical.
Partikular na pinapalagan ng naturang grupo ang sobra-sobrang pataw na parusa kabilang ang malaking halaga ng multa na naglalaro sa P100,000 hanggang 1 milyon.
Bukod pa dito maaari din kanselahin ang lisensya ng pagamutan depende sa bigat ng paglabag.
Nais ng grupo na maglabas ng temporary restraining order o writ of preliminary injuction ang Korte Suprema upang ipatigil ang pagpapatupad ng batas habang nireresolba ang kanilang petisyon.
—-