Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na lehitimo ang lahat ng kanilang ikinasang operasyon kontra iligal na droga.
Kasunod ito ng panibagong akusasyon mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga kaso ng rape at iba pang mga pang-aabusong naiuugnay sa mga anti-illegal drug operations sa Pilipinas.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. General Bernard Banac, luma at pa-ulit ulit na lamang ang mga ipinupukol na alegasyon ng pang-aabuso laban sa kanila na hanggang sa ngayon ay hindi naman aniya napatutunayan.
Aniya, naayon sa umiiral na rule of law ang lahat ng kanilang mga operasyon laban sa iligal na drogra krimen at maging sa terorismo na hindi maiiwasang nauuwi sa engkuwentro.
Pagtitiyak ni Banac, mananatili ang transparency sa lahat ng kanilang police operation at papapanagutin ang sinumang nagkakasala.