Pansamantalang pinatigil ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang operasyon ng anti-jaywalking unit.
Ito’y matapos mabisto ang ilang traffic aide na namemeke ng mga resibo sa mga violator.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, napag-alaman nila ang ginagawang modus sa pamimigay ng pekeng resibo ng mga traffic aide na sina Joanna Eclarinal, Jonathan Natividad at Frederick Arucan.
Iniimbestigahan na rin aniya ang 48 miyembro ng anti-jaywalking unit.
Hindi umano nila isinasantabi ang posibilidad na marami pa ang sangkot sa nasabing modus.
Dagdag pa ni Garcia, inaalam na rin nila ang printing office kung saan nagpapagawa ang mga suspek ng pekeng resibo.
Sa ngayon ay nakakulong sa Makati City Jail ang tatlong (3) traffic aide.