Ititigil na ng Pilipinas ang pagbibigay ng anti-malaria drug na hydroxychloroquine sa mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ang inianunsyo ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kasunod ng pagsupinde ng World Health Organization (WHO) sa clinical trials para sa nabanggit na anti-malaria drug bilang posibleng gamot sa COVID-19.
Ayon kay Vergeire, sumusunod lamang ang Department of Health (DOH) sa guidelines at abiso ng WHO dahil bahagi ang bansa ng isinasagawang solidarity trial ng organisasyon.
Samantala, tumanggi naman si Vergeire na isapubliko ang epekto ng hydroxychloroquine sa mga pasyenteng may COVID-19 dahil nasa clinical trial phase pa ang bansa.