Aminado si Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera-Dy na posibleng nagkulang sila sa pagpapaliwanag kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa nilalaman ng Anti-Palo Bill.
Ito ay matapos i-veto ng Pangulo ang nasabing panukalang batas na naglalayon sanang ipagbawal na ang pananakit at pagpapahiya sa mga bata bilang parusa ng mga magulang.
Ayon kay Dy, isa sa mga pangunahing may-akda ng Anti-Palo Bill, labis niyang ikinalungkot ang naging pasiya ng Pangulo.
Aniya, posibleng may bahagi sa Anti-Palo Bill ang masyadong naging malawak at hindi nila naidetalye ng mabuti tulad na lamang ng sinabi ni Pangulong Duterte na maaaring masakop na nito ang awtoridad ng magulang sa kanilang mga anak.
“Kaya nga siguro masyado lang siyang naging broad, parang meron siyang ini-specify na portion ‘yung humiliating circumstances baka masyadong ma-misinterpret kaya siguro dapat mas i-define pa namin ‘yung portion na ito, ‘yung mga ganyan naman ibig sabihin we have to make it better, kahit isa na siyang magandang legislation eh may kulang pa rin kaya kailangan pagbutihin at ayusin pa namin sa susunod.” Pahayag ni Herrera-Dy
(Ratsada Balita Interview)