Napapanahon na ayon sa Western Mindanao Command (WESMINCOM) upang maipasa nang tuluyan ang anti-terror bill.
Ito ang inihayag ni WESMINCOM Chief Lt/Gen. Cirilito Sobejana sa paniniwalang malaki ang maitutulong nito sa kanilang kampaniya kontra terrorismo.
Ayon kay Sobejana, sakaling maisabatas na ang nasabing panukala, mas mabibigyan na ng ibayong pagtutok ang laban kontra terrorismo lalo’t kikilos na rin maging ang lokal na pamahalaan.
Kanila pang palalakasin ang tinatawag nilang operational tempo upang mapanagot sa batas ang mga terrorista.
Naka-alarma na ayon kay Sobejana ang sunud-sunod na mga pag-atakeng muli ng mga bandido gayundin paglutang ng kauna-unahang pinoy suicide bomber.
Kaya naman sinabi ni Sobejana, maiiwasan na ang pagdami ng ganitong uri ng terorista kung agad maipapasa ang nasabing batas na mas mayruong pangil kaysa sa kasalukuyang human security act.