Pag-aaralan pang maigi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anti-terrorism bill.
Ito ang inihayag ng Malacañang ngayong lagda na lamang ng pangulo ang hinihintay para maging ganap na batas na ang naturang panukala.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, bagama’t sinertipikahang ‘urgent’ ng pangulo ang naturang panukala, hindi aniya nangangahulugan na agad din niya itong pipirmahan.
Ani Roque, subject for final review pa ang naturang panukala upang makatiyak umano ang pangulo na alinsunod ito sa konstitusyon.
Kasabay nito, nilinaw ni Roque na walang kaugnayan ang anti-terrorism bill sa suspensyon ng terminasyon ng visiting forces agreement (VFA) ng Pilipinas at Estados Unidos.