Isinapinal na ng Korte Suprema ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Act makaraang ibasura ang mga ‘Motion for Reconsideration’ na inihain ng iba’t ibang grupo laban sa naturang batas.
Nakasaad sa briefer ng Supreme Court, na naka-summer session sa Baguio City, na pinagtibay ng mga mahistrado ang kanilang boto sa desisyon noong December 7, 2021 na pinonente ni Dating Associate Justice Rosmari Carandang.
Ito’y dahil sa kakulangan ng “substantial issues” at argumento ng mga petitioner.
Pumanig sa mayorya ng mga mahistrado ang bagong-talagang si Associate Justice Antonio Kho Junior.
Sa botong 12-3 noong Disyembre, dalawang probisyon ang tinanggal dahil sa pagiging ‘unconstitutional’ kabilang na ang depinisyon ng terorismo sa Section 4 dahilan para matanggal ang pagsasagawa ng mga adbokasiya;
Protesta at iba pang kahalintulad na gawaing sibil at politikal sa ‘Act Of Terrorism’ hanggang walang intensyon na magdulot ng pagpaslang o panganib sa buhay ng isang tao at kapayapaan.
Sa boto namang 9-6, pinawalang-bisa ang ‘Method for Designation’ sa Section 25 na nagbibigay sa Anti-Terrorism Council na mag-adopt ng “request for designations by other jurisdictions or supranational jurisdictions” kung susunod sa criteria na itinatakda ng United Nations Security Council Resolution. —sa ulat ni Bert Mozo (Patrol 3)