Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging isang ganap na batas ang Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malaki ang maitutulong nito sa kampanya ng gobyerno laban sa mga naghahasik ng lagim hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo.
Sinabi ni Roque na pinag-aralang mabuti ng Pangulo at ng kanyang legal team ang anti-terrorism law at tinimbang ding maigi ang pangamba ng mga stakeholders.
Matatandaang kumalat sa social media ang hashtag #JunkTerrorBill mula sa iba’t ibang sektor dahil sa sinasabing malawak na kahulugan o depinisyon ng “terorismo” na nakapaloob sa nasabing batas at maaari rin umano itong gamitin laban sa mga kritiko ng gobyerno.