Pinawi ni Senador Panfilo Lacson ang pangamba sa ipinasa nilang panukalang batas na magpapalakas sa batas kontra terorismo.
Ayon kay Lacson, mayroong sapat na safeguards ang panukala upang maiwasan ang pang aabuso at paglabag sa karapatang pantao.
Mayroon anyang legal na prosesong dapat sundin sa pagpapatupad ng mga probisyon tulad na lamang ng pagkuha ng permiso sa Korte bago magpatupad ng electronic surveillance o kahit anong uri ng paniniktik.
Pagdating naman anya sa arrest without warrant, susundin pa rin ang panuntunan sa citizens arrest na pag aresto nang walang warrant.
Ibig sabihin, kailangan ang krimen ay katatapos pa lamang gawin o gagawin pa lamang at dapat ay may personal knowledge ang law enforcement officer na magsasagawa ng pag aresto.
Una rito, ipinasa na ng Senado sa huling pagbasa ang Anti-Terrorism Bill na naglalayong magbigay ng ngipin sa paglaban sa terorismo —ulat mula kay Cely Bueno (Patrol 19).