Nakitaan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ng constitutional issues at kalabuan ang Anti-Terrorism Bill.
Nakapaloob ito sa isinumiteng komento at rekomendasyon ng IBP kay Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Ryan Alvin Acosta, batay na rin sa kahilingan ng Malakanyang.
Tinukoy sa komento ng IBP ang Section 29 ng Anti-Terror Bill kung saan maaaring ikulong ng hanggang 24 na araw ang isang terrorism suspek na inaresto batay sa otorisasyon ng Anti-Terrorism Council.
Sinagot rin ng IBP ang paglilinaw ni Senador Panfilo Lacson na walang kapangyarihan ang atc na ipag utos ang pag-aresto.
Ayon sa IBP, dapat ay naging malinaw sa Section 29 ang tunay na intensyon ng mga sumulat sa panukalang batas upang maiwasan ang maling interpretasyon at maling pagpapatupad ng batas.
Binabale wala rin umano ng Section 29 ang due process clause ng Constitution dahil kahit sa mga extreme situation tulad ng rebelyon o invasion na basehan ng deklarasyon ng Martial Law ay hanggang tatlong araw lang pinapayagang makulong ang suspek nang wala pang kaso sa Korte.
Nakasaad rin sa komento ng IBP na ang pag-ipit sa ari-arian o freezing of assets ng suspected terrorist ay maituturing na deprivation of property na hindi puwedeng gawin nang walang due process.
Samantala, pinuna ng IBP na hindi umaaayon sa constitutional standards ang paggamit ng mga katagang ‘any act’ at ‘intended to cause’ sa definition ng terrorist act sa Anti-Terror Bill.
Ayon kay IBP President Domingo Egon Cayosa, umaasa sila na magkaruon ang bansa ng Anti-Terror Law na hindi lumalampas o lumalabas sa mga ginagarantiyahang safeguards ng ating Konstitusyon.