Bad news para sa mga mahilig mag-videoke.
Isang panukalang batas ang inihain sa mababang kapulungan ng Kongreso na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng karaoke at videoke sa partikular na oras sa buong bansa.
Sa House Bill 1035 ni Quezon Province Rep. Angelina Tan, ipinaliwanag na ito’y para protektahan na rin ang publiko laban sa noise pollution.
Sinasabing hindi naman lubusang ipagbabawal ang pagka-karaoke at videoke, kundi lilimitahan lamang ito.
Matatandaang naglabas ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa paggamit ng karaoke at videoke.
Gayunman, binigyang diin ni Tan na mainam na magkaroon ng national law para rito.
Ayon sa panukala ni Tan, bawal ang mga karaoke at videoke sa mga pampublikong lugar pagsapit ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-7:00 ng umaga.
Paliwanag niya, ito’y dahil matinding ingay ang dinadala nito lalo na sa mga residential area kaya’t maraming umaangal sa noise pollution.
Bukod sa nakakairita at dagdag-stress, nakakaabala rin umano ito sa pagtulog o pagpapahinga ng mga tao na gustong matulog nang maaga.
Tulad ng mga hayop, karapatan aniya ng mga tao na maprotektahan sila laban sa pambubulagbog o pag-iingay ng kanilang mga kapitbahay.
Sakaling lumusot ang panukalang batas na ito, papatawan ng multang P1,000 o pagkakabilanggo ng 6 na buwan ang sinumang lalabag dito.
Samantala, saklaw din ng nabanggit na proposed bill ang mga establisimyento na gumagamit ng malalakas na sound system na nagdudulot din ng ingay o nakakabulahaw.
By Judith Larino | Jelbert Perdez