Dagdag-gastos lang ang antibody test na bigong makapagsabi kung mayroong proteksyon ang isang indibidwal laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon ito kay dating Health secretary, ngayo’y Congresswoman Janette Garin, dahil ang pinakamabisa pa rin aniyang panlaban sa COVID-19 ay bakuna.
Sinabi ni Garin na maaari ring magdulot ng kalituhan ang antibody test sa vaccination campaign ng gobyerno.
Inihayag pa ni Garin na bagama’t maaaring makatulong ang antibody test para matukoy ang mga taong nagkaroon ng COVID-19 subalit dahil wala o mahina ang sintomas ay hindi nagpa-ospital, hindi nito kayang tukuyin kung hindi na mahahawa ang isang tao.
Maaari aniyang isipin ng isang taong nag positibo sa antibody test na siya ay ligtas na kaya’t hindi na mag-iingat.