Aminado ang pamahalaang lungsod ng Antipolo sa Rizal na kapos sila sa oras upang makumpleto ang pamamahagi ng social amelioration fund sa mga residente nito.
Ayon kay Antipolo City Mayor Andeng Ynares, halos nasa kalahati pa lang ng kanilang target na 89,000 residente ang nabigyan na ng ayuda.
Nagkakaroon aniya kasi ng problema sa panig ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bumubusisi naman sa listahan ng mga benepisyaryo na siyang nagiging sagabal aniya sa pamamahagi ng tulong.
Dahil dito, inatasan na ni Mayor Ynares ang kanilang budget officer upang kumalap ng pondo para naman sa mga hindi napasama sa listahan ng DSWD subalit kuwalipikadong makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.