Nagpost, subalit binura rin, ni Environment Undersecretary Benny Antiporda ang pagtungo nito sa white beach project sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa gitna ng pagbayo ng Bagyong Ulysses.
‘Dolomite lang ang matatag’, ang bahagi ng caption ng nasabing post ni Antiporda kabilang ang mga larawang na ang isa ay kasama si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Celine Pialago.
Una nang naging kontrobersyal si Antiporda dahil sa pagdepensa nito sa mga batikos sa dolomite project at binakbakan pa ang UP scientists na nagbigay ng negatibong opinyon sa proyekto.
Nagtrending sa Twitter ang dolomite at Manila Bay, bago pa man magpost si Antiporda.
Sa kaniyang parte naman, inihayag ni Pialago na dapat magfocus na lamang ang taumbayan sa efforts ng gobyerno na makatulong sa mga Pilipino.
Sinabi ni Pialago na nagpakuha sila ng larawan ni Antiporda nang kapwa nila inspeksyunin ang Roxas Boulevard para icheck ang estado ng mga daan, sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Una nang binatikos ang nasabing post ni Antiporda na umano’y pagpapakita ng pagiging ‘insensitive’ lalo na’t nalubog pa sa tubig-baha ang malaking bahagi ng Metro Manila, gayundin ang mga karatig lalawigan dahil sa Bagyong Ulysses.