Mahigpit na tinututukan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga anomalya sa pagpapatupad ng subsidy program para sa low income households na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis.
Ipinaalala ni PACC commissioner Greco Belgica na dapat nakakarating sa mga beneficiary ang mga subsidy ng gobyerno.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, ang low income households sa National Capital Region ay inaasahang tatanggap ng P8,000 cash subsidy para sa dalawang buwan.
Ang mga apektadong manggagawa naman sa 16 pang ibang rehiyon sa bansa ay makakatanggap ng P5,000 hanggang P6,500 base na rin sa kanilang wage rate.
Kasabay nito, hinimok ni Belgica ang publiko na sumangguni sa PACC kung may reklamo hinggil sa implementasyon ng P200-billion emergency subsidy program.