Haharangin ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association o PhilRECA ang anumang hakbang na magpapataas ng presyo ng kuryente.
Sinabi ni Philreca Partylist Representative Presley De Jesus, hindi sang-ayon ang mga electric cooperatives sa anumang balakin ng DOE na bigyan ng permanenteng kontrata ang ilang power plants, gamitin man o hindi ang kanilang kuryente.
Siguradong lugi ang taumbayan ayon kay de Jesus dahil tuwing ‘summer’ lang naman nagkakaroon ng pagnipis ng supply at tuwing nagkakaroon ng mga ‘forced maintenance’ ang mga planta.
Ayon kay de Jesus, mas dapat na ma-amyendahan sa lalong madaling panahon ang epira law para makapagtayo ng sariling planta ang gobyerno na magagamit ng taumbayan sa oras na numipis ang supply ng kuryente sa Luzon at Visayas grid.
Mula kasi nang naisabatas ang Epira, tanging mga private investors lamang ang pinapayagan nitong makapagtayo ng mga planta na ibebenta sa gobyerno subalit dito rin nagkakaroon ng malawakang korupsiyon at hindi maampat na pagtaas ng presyo ng kuryente base sa idinidikta ng mga private investors.