Sa modernong panahon ngayon, hindi magpapahuli ang siyensya sa pagbibigay sa atin ng mga makabagong imbensyon, katulad na lang ng naimbentong mesa na makatutulong daw sa mga babae na manganak, ayun nga lang ay hindi na ito makabago.
Kung nasaan na ngayon ang nasabing imbensyon, alamin.
Taong 1963 nang maimbento ng mag-asawang George at Charlotte Blonsky ang isang mesa na magagamit sa panganganak na maraming features katulad ng straps na siyang magsisilbing suporta sa mga nanay para hindi ito mahulog.
Ang mesa kasi ay pinapaikot habang nagle-labor ang mga buntis para matulungan ang mga ito na ilabas ang bata gamit ang centrifugal force.
Nakadepende ang bilis ng pag-ikot ng table sa progress ng nanay sa pagle-labor at sa posisyon ng bata, at mayroon din itong feature na kung saan ay pwede itong ihinto manually o automatically.
At kapag lumabas na ang baby, sasaluhin ito ng nakaabang na net at mayroon ding tutunog na bell para ipaalam sa mga medical staff na nailabas na ng nanay ang kaniyang anak, at pagkatapos noon ay hihinto na ang mesa sa pag-ikot.
Ang mag-asawang Blonsky ay kapwa walang background sa medisina. Ang mining engineer na si George at ang kaniyang misis na si Charlotte ay nakakuha ng ideya nang bumisita sila sa isang zoo at inabutan ang isang elepante na umiikot-ikot bago nito ipinanganak ang baby elephant.
Bagama’t binigyan ng U.S. government ng patent o lisensya ang mag-asawa sa birthing apparatus noong 1965, kahit kailan ay hindi ito ginamit sa mga medical facility.
Samantala, nakasentro man sa panganganak ang imbensyon ng mag-asawa, at kapwa mahilig sa mga bata, hindi nagkaroon ng anak sina George at Charlotte.
Ikaw, gugustuhin mo bang gamitin ang aparato na ito kung sakali mang naimplementa ito?