Arestado ang apat na suspek matapos ikasa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District (QCPD) sa Barangay Baesa, Quezon City.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Marco Magbanua, 38-anyos; Regelio Sus Jr., 47-anyos; Rommel Bustamante, 50-anyos; at Benjielito Comedor, 53-anyos.
Ayon PDEA NCR Director Christian Frivaldo kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, nakatanggap sila ng tip mula sa isang concerned citizen hinggil sa iligal na gawain ng mga suspek.
Agad na nagkasa ng operasyon ang mga otoridad kung saan, isang ahente ang bumili ng shabu at nang magkaabutan ay dito na dinakma ang mga suspek.
Nasamsam sa mga inaresto ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng p102,000; iba’t-ibang drug paraphernalia; at P500 na ginamit bilang buy-bust money.
Nakakulong na ngayon ang mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.