Nailigtas ng mga tauhan ng Bureau of Immigration(BI) ang apat na babaeng hinihinalang biktima ng illegal recruitment sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Immigration Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., naharang ang apat habang papasakay sa isang special flight patungong Dubai noong Pebrero 8.
Nagsabi aniya ang mga ito na bibiyahe bilang mga turista pero nabistong nagsisinungaling matapos na hindi magkatugma-tugma ang kanilang mga sagot nang tanungin hinggil sa kanilang travel itinerary at kasalukuyang trabaho.
Batay naman sa ulat ng travel control and enforcement unit ng BI, sasamahan sana ang apat na biktima ng dalawang Chinese nationals na pinaniniwalaang recruiter ng mga ito.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang nais magtrabaho sa ibang bansa na mag-ingat laban sa mga illegal recruiters.