Patay matapos manlaban sa mga awtoridad ang may apat na carnapper sa Brgy. Bagong Silang sa Plaridel, Bulacan mag-aalas kuwatro kaninang madaling araw.
Batay sa salaysay ng biktimang tumangging magpakilala, pabalik na sana siya ng sasakyan matapos bumili sa isang convinience store sa Barangay Banga Dos nang bigla na lang siyang tutukan ng baril ng dalawang lalaking nakasuot ng bonet.
Sapilitang kinuha sa biktima ang susi ng minamaneho nitong sasakyan at saka itinakbo ng mga salarin dahilan upang agad itimbre ang insidente sa pulisya para isailalim sa alarma.
Ayon kay Police Regional Office 3 o Central Luzon PNP Acting Director P/Bgen. Leonardo Cesneros, namataan ang sasakyan matapos umiwas sa inilatag na checkpoint sa bahagi ng bypass road.
Nang ma-corner na ng mga awtoridad ang sasakyan sa bahagi ng NIA Road, doon na sumiklab ang engkuwentro na nagresulta sa agarang pagkasawi ng mga salarin.
Nakuha sa crime scene ang dalawang kalibre 38, isang kalibre 45 at isang uzi sub-machine gun.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa insidente at pinaniniwalaang bagong grupo ito na sangkot sa gun for hire, carnapping at panghoholdap sa lugar. — ulat mulay kay Louie Angeles (Metro Patrol)