Nahaharap sa patum-patong na kaso ang dalawang opisyal ng isang team ng PNP Highway Patrol Group sa Iligan City, Lanao del Norte.
Ito’y makaraang maaresto ang naturang mga pulis kasama ang dalawa pang civilian auxillary matapos mahuli sa akto ng pangingikil sa isinagawang entrapment operations kahapon.
Kinilala ng PNP Counter Intelligence Task Force at Iligan City Highway Patrol Office ang dalawa na sina S/Insp. Rolando Rigat na siyang pinuno ng grupo at SPO2 Crisanto Bernardo gayundin sina Mac Harvey Abad at Sidney Cañete.
Ayon kay Iligan City PNP Director S/Supt. Leony Roy Ga, Miyerkules ng gabi isinagawa ang entrapment operations laban sa apat makaraang manghingi ang mga ito ng 3,000 Piso sa isang motorista na hinuli ng mga ito dahil walang plaka.
Pero nang maaresto ang apat, nakuha sa drawer ni Rigat ang 5,000 piso maliban pa sa naunang 3,000 pisong nakuha nito mula sa biktima kaya’t ikakasa na ang mga kasong robbery – extortion at may kasong administratibo pang naghihintay sa dalawang pulis.