Muling binatikos ng mga militanteng kongresista ang gobyerno sa isasagawang APEC meeting sa Metro Manila, ngayong linggo.
Ayon kay ACT Partylist Rep. Antonio Tinio, isang malinaw na pagkakamali ang desisyon ng Aquino Administration na idaos sa Metro Manila ang APEC Meeting dahil nagdudulot ito ng halos isang linggong perwisyo.
Bukod pa anya ito sa daan kinanselang flight, pagsasara ng mga business establishment na naging sanhi ng pagkalugi at kabawasan sa suweldo ng mga manggagawa.
Sa panig naman ni Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon, iginiit nito na nakadidismaya para sa bansa ang makita ng mga APEC leader ang matinding traffic sa Metro Manila.
Samantala, inihayag ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na anumang gawing pagtatakip ng pamahalaan o magkano man ang gastusin para sa preparasyon, magpapatuloy pa rin ang traffic at ang sunud-sunod na aberya sa mga tren.
‘Sorry’
Nag-sorry sa publiko ang mga opisyal na nangangasiwa sa seguridad para sa APEC Leaders Summit.
Sa harap na rin ito ng perwisyong inabot ng libo-libong commuters mula sa Cavite na hindi na nakapasok sa kanilang trabaho dahil sa matinding traffic.
Humingi ng dispensa si PNP Spokesman Police Chief Superintendent Wilben Mayor sa mga naapektuhan ng traffic dahil hindi naman aniya sila nagkulang sa pagpapalabas ng abiso.
Umapela rin ng pang-unawa si Mayor sa publiko sa ipinatutupad na paghihigpit dahil bahagi aniya ito ng preparasyon para matiyak ang kaayusan sa gaganaping APEC Summit.
By Drew Nacino | Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)