Aagaw ng atensyon sa buong mundo ang Pilipinas dahil sa APEC Summit na gaganapin sa Metro Manila simula sa November 13.
Binigyang diin ito ni Cabinet Secretary Rene Almendras bilang pagkontra sa mga nagsasabi na hindi produktibo ang pagsasagawa ng APEC Summit sa bansa dahil isang linggong naka-bakasyon ang mga manggagawa at negosyante.
Ayon kay Almendras, ang pagdating pa lamang sa bansa ng may 8,000-10,000 delegasyon ng APEC Summit ay may impact na agad sa ekonomiya ng bansa.
Idagdag pa aniya ang atensyong makukuha ng bansa mula sa libong miyembro ng international press na magco-cover sa kaganapan.
“Gagastos po dito yan gagamit ng mga facilities natin, that’s one immediate economic impact, the other is yung attention na makukuha ng bansa, yung lahat po ng economic business media sa buong mundo nandito po sa Pilipinas during that conference dahil ang pinag-uusapan po sa APEC ay ang mga ekonomiya po and APEC ay isa sa pinakamalaking grupo.” Ani Almendras.
Kasabay nito, dinepensahan ni Almendras ang desisyon nila na sa Metro Manila isagawa ang APEC Summit.
Ayon kay Almendras, malaki na ang ipinagiba ng APEC summit ngayon lalo na sa bilang ng delegasyon kumpara sa APEC summit noong unang isagawa ito sa Subic noong 1996.
“Kulang po sa hotel rooms, kulang sa sasakyan kulang sa facilities ang ibang lugar, sa katunayan po sa ibang bansa nagtayo sila ng bagong syudad just to host the APEC, pero napakalaking gastos nun at ayaw po ni President Aquino na bakit tayo gagastos ng napakalaking halaga kung kaya naman natin na hindi tayo gagastos ng malaki.” Pahayag ni Almendras.
By Len Aguirre | Ratsada Balita