Muling humingi ng pang-unawa sa publiko ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Ito’y bunsod pa rin ng mahigpit na seguridad sa APEC Summit na nakaapekto sa maraming motorista at mananakay sa Kalakhang Maynila.
Ayon kay AFP Spokesman Col. Restituto Padilla, kaya mahigpit ang pagbabantay ng mga pulis sa iba’t ibang panig ng Metro Manila dahil kung ano ang treatment kay Pangulong Noynoy Aquino ay ganoon din sa mga delegado.
Kinumpirma naman ni Padilla na tinanggal na ng AFP ang ipinatupad na ‘no sail zone’.
“No sail zone was lifted simula nang matapos ang meeting sa PICC kagabi.” Ani Padilla.
Mahigpit na seguridad sa APEC walang impluwensya ng mga dayuhan
Samantala, iginiit ng Armed Forces of the Philippines o AFP na mga Pilipino lamang ang nagplano ng security measures na ipinatupad sa katatapos pa lamang na APEC Summit.
Sa harap na rin ito ng pagbatikos ng ilang kritiko na may impluwensya ang ibang bansa sa mahigpit na pagpapatupad ng seguridad dahil sa pagdaong ng USS Fitzgerald ng Amerika gayunin ng BNS Somudra Avijan ng Bangladesh.
Ayon kay Padilla, bahagi lamang ng port calls kaya nasa karagatan ng bansa ang dalawang barkong pandigma at wala itong kinalaman sa APEC Summit.
Lahat aniya ng ipinatupad nilang seguridad ay masusing pinagplanuhan, pinag-isipan at pinag-aralan ng sandatahang lakas gayundin ng pambansang pulisya.
By Jelbert Perdez | Jaymark Dagala